-- Advertisements --

Tiniyak ni Department Interior and Local Government (DILG) officer-in-charge (OIC) Secretary Catalino Cuy na walang madi-displace na mga empleyado kasunod ng paglusaw ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Negros Island Region (NIR).

Sa panayam kay Cuy, kaniyang sinabi na wala silang nakikitang problema sa magiging set up ng mga empleyado ng Negros Island region.

“Walang madidisplace, meron naman siguro sa regional offices but hindi naman ganon kadami we believe that they can be absorbed to the two regions,” pahayag ni Cuy.

Paliwanag ng kalihim na ang mga empleyado sa nilusaw na rehiyon ay mula sa Region 6 at Region 7 kaya ang gagawin sa kanila ay ibabalik lamang sila sa dati.

Ganito rin aniya ang magiging set up sa Philippine National Police.

Ayon sa DILG-OIC, ang mga empleyado at police personnel na kabilang sa NIR ay idi-distribute sa iba’t ibang opisina upang malagay pa rin sa table of organization.

Dagdag pa ni Cuy na kanila ring titignan ang estado ng mga contractual worker na maaapektuhan sa buwag ng NIR.

“We’ll have to look for positions for there contractual they can go back to the two regions kasi nandon naman yun eh ididistribute lang yan hindi naman magiging ganon kalaki ang problema diyan hindi eh it will go back to the previous basically yung Negros island hinati mo yung island into two regions they will just go back to regions 6 and 7,” wika ni Cuy.

Binigyang linaw ni Cuy na hindi ganoon kalaking problema ang kanilang kahaharapin sa pagbuwag ni Duterte sa NIR.