-- Advertisements --

Nanindigan si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año na wala siyang nakikitang mali sa ginawang pagbisita kasama si Defense Sec. Delfin Lorenzana noong Biyernes sa Pagasa Island sa West Philippine Sea.

Ito’y matapos umalma ang China sa ginawang pagbisita ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ayon kay Gen. Año, routine activity ito at bilang pinuno ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay obligasyon niyang bisitahin ang kaniyang mga sundalo na nagbabantay sa teritoryo ng bansa.

Pagbibigay-diin ni Año na ang isla ng Pagasa na bahagi ng Kalayaan Island Group ay teritoryo ng Pilipinas na isang munisipyo na parte ng Palawan.

Hindi naman aniya sa ibang teritoryo nag-landing ang C130 cargo plane ng Philippine Air Force kaya walang mali sa kanilang pagbisita.

“As far as the AFP is concern, we visited our troops manning our territory. There is nothing wrong with our visit. Its part of my job. We never land in any island except ours where our troops are stationed.Pagasa is a municipality of Palawan,” mensahe na ipinadala ni Gen. Año.

Samantala, iginiit ng defense department na bahagi ng responsibilidad ni Sec. Lorenzana ang pagbisita nito sa Pagasa Island.

Sinang-ayunan ni Defense spokesperson Dir. Arsenio Andolong, na routine ang pag-inspeksyon ng kalihim sa lahat ng facilities sa ilalim ng kaniyang department administrative supervision at kabilang dito ang Pagasa Island.

Layon ng pagbisita ng kalihim ay para personal na alamin kung ano pa ang kailangan para mapabuti ang kalagayan ng mga sundalo at maging ang mga residente na nakatira duon.

“The trip was meant to see what is needed to improve the living conditions, safety and personal security of Filipinos on the island,” ani Andolong.