-- Advertisements --

Tiniyak ng PNP na walang mangyayaring warrantless arrest sa mga estudyante ng University of the Philippines kahit na tinapos na ng Department of National Defense ang kasunduan nito sa UP tungkol sa pagpasok ng militar at pulisya sa kampus.

Ayon kay PNP spokesperson PBGen. Ildebrandi Usana, magiging batayan pa rin umano ang batas dahil wala naman umanong karapatan ang mga pulis na manghuli na walang bitbit na warrant.

Pinawi rin ni Usana ang posibleng maidulot na takot ng terminasyon ng kasunduan sa mga nadadawit sa pamamagitan ng pagtiyak na tatalima pa rin sila sa batas.

“Only after the court issues these warrant of arrest, saka lang natin masasagawa itong mga bagay pero until then nananatili pa rin iyong sinasabing academic freedom sa University of the Philippines,” saad nito.

Una nang sinabi ng PNP na suportado nila ang naturang pasya ng DND na tapusin na ang kasunduan sa UP.

Sang-ayon dito, kailangan munang mag-abiso muna sa UP bago makapasok at makapagsagawa ng operasyon ang pulis at militar sa mga campus ng pamantasan.

Ayon kay Usana, batay sa mga ebidensyang kanilang nakalap, lumalabas umano na may kinalaman talaga ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa pagkawala umano ng mga kabataang mag-aaral ng UP.

Tukoy naman aniya ang mga organisasyong nasa likod ng pagre-recuit sa mga estudyante.

Mananatili naman daw ang academic freedom sa unibersidad kahit wala na ang Soto-Enrile accord.