Sa kabila ng 258 na bilang ng mga nasawi sa hagupit ng nagdaang bagyong Odette, sinabi ng isang opisyal ng Office of the Civil Defense (OCD) na walang naitalang “mass casualties” sa nasabing kalamidad.
Sa briefing ng House Committee on Transportation, sinabi ni OCD Director Raffy Alejandro na magkakaiba ang dahilan nang pagkamatay ng mga biktima noong kasagsagan ng bagyo.
Kabilang sa mga aniya’y “common circumstances” nang pagkasawi ng mga biktima ay dahil sa pagkalunod, habang mayroon namang iba na nabagsakan ng puno, na-trap sa mga debris o hindi kaya ng gumuhong lupa.
Nabatid na bukod sa 258 na kumpirmadong namatay ay mayroong 47 indibidwal na hindi pa nahahanap sa ngayon at 568 naman ang sugatan.
Sa kanyang ulat sa chairman ng komite na si Rep. Edgar Sarmiento, sinabi ni Alejandro na patuloy ang paghahanap ng pamahalaan sa mga nawawala.
Hindi rin aniya sila tumitigil sa paglikas ng mga turista na stranded sa mga lugar na apektado nang pananalasa ng nagdaang bagyo.
Sa Siargao Island, sinabi ni Alejandro na 250 stranded na turista ang kanilang natulungan at isinakay sa C-130 para mailuwas sa Maynila.
Nakikipag-ugnayan din aniya sila sa mga airline companies para sa paglilikas sa mga stranded na turista.
Sinabi ni Alejandro na malaking-tulong din ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine Coast Guard.
Sa kabilang dako, iniulat naman ni Philippine Ports Authority (PPA) Ports Operations Services Department Manager Atty. Pinky Delos Santos na hindi bababa sa limang pantalan ang hindi pa rin operational sa ngayon dahil sa pinsalang natamo nito sa bagyong Odette.
Sa kabuuan, umabot aniya sa 47 pantalan sa Visayas at Mindanao ang sinira ng nagdaang bagyo, pero karamihan sa mga ito ay balik na sa normal ang operasyon.
Kabilang sa mga hindi pa aniya operational sa ngayon ay ang Port of Del Carmen sa Suriago; Port of Talibon at Port of Tapal sa Bohol; Port of San Ricardo, Port of Sogod at Port of San Juan naman sa Eastern Leyte/Samar.
Sa inisyal namang pagtaya, aabot na sa mahigit P1 bilyong ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Odette sa mga pantalan sa Visayas at Mindanao.