Mariing itinanggi ng iba’t ibang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may namo-monitor silang recruitment sa kanilang hanay para makiisa sa nilulutong “Red October” plot para patalsikin sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kina Philippine Army spokesperson Lt. Col. Louie Villanueva at Philippne Navy spokesperson Cmdr. Jonathan Zata, wala silang na-monitor na may mga sundalong sumanib sa sinasabing pag-aaklas.
Giit ng mga nasabing opisyal, walang katotohanan ang lumalabas na ulat at pawang tsismis lamang umano ang mga ito.
Para kay Philippine Air Force spokesperson Maj. Aristides Galang, mataas ang kanilang morale dahil sa patuloy na modernisasyon ng hukbong sandatahan.
Paliwanag naman ni Philippine Marine Corps spokesperson Capt. Jerber Belonio, kung mayroon daw nagpakalbo sa kanila, ito ay ang mga bagong recruit.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni AFP spokesperson BGen. Edgard Arevalo na hindi naman na kailangan pang magsagawa ng loyalty check sa mga sundalo dahil tapat ang mga ito sa konstitusyon at sa chain of command.
Sa pakikipag ugnayan naman ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division Commander MGen. Cirilito Sobejana, sinabi nito na abala sila sa pagtutok sa kanilang operasyon laban sa mga local terrorists group sa Central Mindanao, kaya walang panahon ang mga sundalo sa mga ganitong aktibidad.