Iniulat ng Department of Health (DOH) na walang nakaranas ng adverse reaction mula sa kabuuang 1,151 na mga bata sa unang araw ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga menor de edad 12 hanggang 17-anyos na may comorbidities sa Metro Manila.
Ayon kay DOH National Capital Region director Dr. Gloria Balboa na naging “smooth” ang proseso ng pagbabakuna sa mga menor de edad na may comorbidities at nakahanda naman ang mga pagamutan na ginamit bilang vaccination sites sakaling magkaroon ng untoward incident.
Saad ni Balboa, ang Pfizer at Moderna vaccines ang natanggap na bakuna ng mga bata para sa kanilang first dose na dalawang brand pa lamang ng vaccine na inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) na ibakuna sa mga bata sa bansa.
Paalala pa rin ng DOH na kailangan muna na makakuha ng mga bata clearance mula sa kanilang doktor at consent mula sa kanilang magulang bago magpabakuna kontra COVID-19.
Sinasabing humigit-kumulang 1.2 million na mga kabataan na may comorbidities ang prayoridad ng pamahalaan na mabakunahan sa buong bansa.
Base sa projection ng National Task Force against COVID-19, sa nasabing bilang mga menor de edad na may comorbidities na kwalipikadong maturukan ng vaccines ay nasa 144,123 ang mula sa Metro Manila.
Binubuo ng apat na phase ang vaccine rollout sa mga menor de edad. Sa unang phase kung saan sinimulan na ang pilot vaccination sa mga prayoridad na mga batang may comorbidities sa ilang piling ospital sa Metro Manila.
Naka-schedule namang simulan ang pagrolyo ng bakuna sa mga kabataan sa lahat ng 17 LGUs sa NCR sa October 22 kung saan isang ospital ang tutukuyin ng bawat lokal na pamahalaan na gagamitin bilang vaccination site.
Posible namang magsimula na rin sa Nobyembre 5 ang rollout ng COVID-19 vaccines sa mga kabatan sa mga rehiyon kung saan nasa 50% na ng senior citizens ang fully vaccinated.
Samantala, para naman sa pagbabakuna sa mga bata sa iba pang mga lugar sa bansa ay nakadepende sa status ng vaccine inventory sa bansa at bilang ng mga bakunadong indibidwal sa mga partikular na lugar.