-- Advertisements --

Hindi apektado ang nuclear propulsion system ng Seawolf-class fast-attack submarine USS Connecticut (SSN 22) na nasangkot sa “collision incident” sa West Philippine Sea noong October 2, 2021.

Batay ito sa inilabas na press statement ng US Pacific Fleet nitong October 7.

Tinukoy ni US Embassy Press Attaché Paul Thomas ang naturang press statement nang hingan ng reaksyon kaugnay ng statement ng Chinese embassy tungkol sa insidente.

Nagpahayag ng pagkabahala ang Chinese Foreign ministry sa possibleng pagkakaroon ng nuclear leakage at kapinsalaan sa kapaligiran.

Ayon sa US Pacific Fleet, nasa “safe at stable” condition ang naturang submarine, at walang “life threatening injuries” na tinamo ang crew, makaraang tamaan ang isang “unidentified object” habang nag-o-operate sa international waters sa naturang karagatan.

Hindi rin nag-request ng tulong ang US Navy at ang insidente ay kasalukuyang iniimbestigahan.