Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) sa pamamagitan ng Migrant Workers Office sa Singapore na walang overseas Filipino workers ang napaulat na nasugatan sa kamakailang pagsabog ng Mt. Ibu sa North Maluku province ng Indonesia.
Sa kasalukuyan mayroong 550 Pilipino ang nakabase sa naturang lugar.
Ayon sa ahensiya, iniulat ng Indonesian authorities na walang mga banyaga ang nasugatan matapos ang bayolenteng pagsabog ng bulkan sa isla ng Halmahera noong Mayo 18.
Nagbuga ang bulkan ng abo na may taas na 4 na kilometrong ayon sa Center for Volcanology and Geological Hazard Mitigation ng Indonesia.
Una ng inilagay sa pinakamataas na alerto ang bulkan noong May 16 matapos ang maraming pagsabog ngayong buwan.
Ang Mount Ibu ay 310 kilometers mula sa Manado city, ang capital city ng probinsiya ng North Sulawesi, Indonesia.