LA UNION – Inabisuhan ngayon ng Provincial Government of La Union (PGLU) ang lahat ng mga opisina na nasa ilalim nito, lalo na dito sa San Fernando City, na walang pasok ngayong araw ng Miyerkules, Agosto 28, 2019.
Maliban lamang sa mga opisina at departamento na nagbibigay ng mahahalagang serbisyo gaya ng mga pagamutan, local disaster relief and response at law enforcement units.
Kasabay nito ang pagsuspinde sa lahat ng klase, mula pre-school hanggang college sa public at private schools sa halos lahat ng bayan sa lalawigan partikular dito sa syudad, Bauang, Balaoan, Bangar, Bacnotan, San Gabriel, Bagulin, Caba, Luna, at San Juan.
Ito’y bilang antisipasyon sa magiging epekto ng inaasahang pagsungit ng panahon na dala ng bagyong Jenny.
Kaninang hatinggabi, sinuri ni La Union Gov. Pacoy Ortega ang Situational Report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, para siguraduhin na nakahanda ang lahat ng mga disaster frontliners at response teams sa posibleng epekto ng Tropical Storm Jenny.
Ang lalawigan ay kasalukuyang nasa ilalim ng Tropical Cyclone Warning Signal No. 2.