-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na walang napaulat sa ngayon na mga Pilipino na nasugatan sa tumamang malakas na lindol sa Taiwan base sa isinagawang initial assessment.

Sa kabila nito mayroon ng inilatag na preemptive protocols para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga Pilipinong nasa Taiwan.

Ayon kay Foreign Affairs USec. Eduardo de Vega, ipinaalam sa kaniya ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer in Charge Hans Cacdac na mayroong isang gusali sa Hualien ang matinding napinsala at mayroong reports din na maraming nasira na mga istruktura matapos ang tumamang malakas na lindol.

Base sa report mula kay Cacdac at labor attaché ng PH sa Taiwan, walang naiulat ang Filipino community sa Hualien na nasugatan sa ngayon.

Patuloy namang kinokontak ng mga opisyal ang mga Filipino community sa lugar para matiyak na sila ay nasa ligtas na kalagayan.

Una na ring sinabi ng DMW na aktibo itong nakabantay sa sitwasyon ng OFWs sa Taiwan matapos ang lindol na tumama sa island state.