Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang napaulat sa ngayon na mga Pilipino na apektado ng malawakang baha at landslide na tumama sa Brazil at Indonesia ngayong Mayo.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ito ang ipinaabot na impormasyon sa kanila mula sa Department of Foreign Affairs.
Sa ngayon wala ding pasok sa mga opisina ng DMW sa may Rio Grande do Sul sa Brazil na sinalanta ng baha at South Sulawesi sa Indonesia na tinamaan ng landslide at baha.
Una rito, pumalo na sa 78 katao ang bilang ng nasawi mula sa matinding pag-ulan na nagdulot ng pagbaha sa southern state ng Brazil kung saan mahigit 115,000 katao naman ang na-displace mula sa kanilang mga tirahan.
Habang doon naman sa South Sulawesi, Indonesia, 14 na katao ang nasawi habang nasa 115 iba pa ang inilikas na dahil pa rin sa baha at landslide dulot din ng matinding mga pag-ulan.