Iniulat ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan na walang mga Pilipino ang nasawi sa pagtama ng bagyong Carina na may international name na Gaemi.
Ipinatupad ang safety measures para matiyak ang kaligtasan ng mga overseas Filipino worker.
Maigting ding nakikipag-ugnayan ang Migrant Workers Officer sa Filipino community representatives at Taiwan Manpower Agencies at pinapaalalahanan ang mga ito na iulat ang anumang insidente may kinalaman sa epekto ng bagyo.
Nakontak naman ng MWO ang Taiwan Manpower agencies at ipinaalam na karamihan sa kanilang kompaniya ang tumalima sa deklarasyon ng gobyerno ng Taiwan sa kanselasyon ng pasok sa trabaho.
Base sa reports mula sa Taiwan authorities, sinabi ng MECO na nag-iwan ang bagyo ng 3 kataong nasawi mula sa Hualien at Kaohsiung at mahigit 220 ang nasugatan.