-- Advertisements --
image 311

Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Education na walang political pressure mula sa kasalukuyang administrasyon para burahin ang apelyidong Marcos mula sa terminong “Diktadurang Marcos” na mababasa sa textbook sa asignaturang Araling panlipunan sa ilalim ng revised K-10 curriculum.

Ayon kay DepEd Bureau of Curriculum and Teaching director Joyce Andaya, ang hakbang na ito ay isang proseso na ipinapatupad ng DepEd sa Curriculum and Teaching strand at isang academic discourse na kanilang inoobserbahan at sinusunod kasabay ng pag-review at pag-repaso ng nasabing curriculum.

Ginawa ng DepEd official ang paglilinaw matapos nitong kumpirmahin na mayroon ngang memo kaugnay sa pagpapalit ng Diktadurang Marcos sa Diktadura na lamang.

Ito aniya ay ginawa ng Bureau of Curriculum Development (BCD) specialist na isinumite sa kaniyang tanggapan at ibinigay sa Office of Undersecretary for Curriculum and Teaching.

Subalit nilinaw ng opisyal na susuriin pa rin at dadaan ang naturang memo sa vetting process sa kasagsagan ng pilot implementation ng revised K-10 curriculum ngayong taon.

Maalala na una na ring binatikos ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang desisyong ito ng DepEd at inihayag na isa umanong malinaw na rebisyon sa kasaysayan at insulto ito para sa mga hindi mabilang na biktima ng pang-aabuso sa karapatang pantao noong panahon ng Martial law sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Samantala, nauna nang pinabulaanan ni Education Secretary at VP Sara Duterte ang claims sa rebranding ng Martial Law historical records sa mga paaralan at idiniing batid niya ang kahalagahan ng Martial Law at EDSA Revolution sa kasaysayan ng ating bansa.