-- Advertisements --
IMAGE | Department of Energy, Taguig City

Nanindigan ang Department of Energy (DOE) sa pagtitiyak nito na walang inaasahang aberya sa supply ng kuryente sa darating na halalan.

Ito ay sa kabila ng nararanasan ngayong pagnipis sa power supply ng Luzon dulot ng hindi planadong pagpalya ng limang planta sa rehiyon.

Sa isang panayam sinabi ni DOE-Electric Power Industry Management Bureau director Mario Marasigan, na maganda ang kanilang power supply projection para sa nalalapit na eleksyon.

Nauna ng sinabi ni Energy spokesperson Usec. Wimpy Fuentebella, na walang krisis sa kuryente, gayundin na sapat ang supply nito kahit tatlong araw ng magkakasunod na isinailalim sa red alert ang Luzon Grid.

“Nakikita naman natin ‘yung solutions and nakikita natin ‘yung timelines. We will be honest with you kung may problema talaga,” ani Fuentebella.

Bukod dito, inaasahan din na babalik sa normal ang operasyon ng limang planta na nag-shutdown pagpasok ng Holy Week.

Sa ilalim ng red alert, malaki ang tsansang makaranas ng brownout ang publiko kasabay ng manipis na reserba ng kuryente.

Batay sa datos ng NGCP, nasa 1,562-megawatts ng kuryente ang apektado ng forced shutdown ng mga planta.

Katumbas na sana ito ng 75-porsyento ng power supply para sa Mindanao.

IMAGE | DOE Update on Power Plants affected by outages/de-rated, as of April 12

Aminado ang Energy department na hindi sapat ang short-term solutions na kanilang ipinatutupad kaya sinisikap daw nila na plantsahin ang mga susunod na hakbang.

“The DOE recognizes, however, that short-term answers are not enough. Thus, we are taking a holistic approach that focuses on the establishment of institutional solutions that would benefit consumers in the long run,” ani DOE Sec. Alfonso Cusi.

Iniimbestigahan na rin daw nila ang pinaghihinalaang sabwatan sa pagitan ng mga power plant.

“Papakinggan natin lahat para maging patas. Tingnan natin kung walang nangyari na hindi naman sila nag-usap-usap. DOE will be very objective but if we see that there really is that problem we might incarcerate,” ayon kay Fuentebella.