CAGAYAN DE ORO CITY – Wala umanong problema kung lumaki ang pondo ng ilang mga kongresista para sa kanilang mga distrito mula sa amended P4.5-trillion proposed national budget para sa susunod na taon.
Depensa ito ni Deputy House Speaker at Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kaugnay sa akusasyon ni Sen. Panfilo Lacson na lumobo umano ang pondo ng ilang mga kaalyado ni House Speaker Lord Allan Velasco noong bicameral conference committee.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Rodriguez na karapatan din ng mga kongresista na maghanap ng karagdagang pondo para sa mga proyekto na ipatutupad sa kanilang mga distrito.
Sinabi ng kongresista na hindi naman basta-basta lulusot ang anumang alokasyon o pondong iligal kung isasalang sa bicam.
Si Rodriguez ay hindi miyembro ng makapangyarihan na komite subalit nakalikom ito ng P2.5 bilyon para sa mga proyekto ng kanyang distrito sa taong 2021.