Mariing itinanggi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang akusasyon ni opposition senatorial bet Rep. Gary Alejano na may ginamit na pondo ng gobyerno sa pagbili ng campaign shirts ni dating Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.
Sa isang press statement, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na fake news lamang ang alegasyon ni Alejano.
“We categorically deny the allegation of Rep. Gary Alejano that government funds were used to purchase Bong Go campaign T-shirts and distributed during the Liga ng mga Barangay Convention last February 25, 2019,” saad ni Año.
Noong Martes lang sinabi ni Alejano na ang mga polo shirts na may naka-imprentang pangalan ni Go ay kabilang sa mga kits na ibinigay sa mga dumalo sa 1st Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National Assembly noong February 25 hanggang 27.
Sinabi ng Alejano na ang registration fee at iba pang mga ginastos ng mga attendees sa naturang convention ay binayaran gamit ang local funds batay sa DILG Circular 2019-23.
Pero iginiit naman ni Año, na hindi nakasaad sa Memorandum Circular 23 s. 2019 ng DILG na nagpapahintulot sa paggamit ng government funds sa anumang campaign materials ng sinumang kandidato.
Nilinaw din ng DILG chief na ang event ay isang independent activitiy na binuo ng national league officers.