Nilinaw ngayon ng pamunuan ng AFP Western Command (WesCom) na wala silang natanggap na reklamo mula sa mga Pilipinong mangingisda sa bisinidad ng pag-asa island sa West Philippine Sea na sila ay binu-bully ng mga Chinese vessels.
Ito ang iniulat ni WesCom spokesperson Capt. Cherryl Tindog, kaugnay ng kautusan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana sa AFP na beripikahin ang sumbong ni Kalayaan Mayor Roberto del Mundo na umano’y hina-harass ng China ang mga Pilipinong mangingisda sa Sandy Cay.
Ayon kay Tindog, regular na nakikipag-ugnayan ang mga tropa ng Joint Task Force West sa mga mangingisda para alamin ang kanilang mga alalahanin pero wala naman silang natanggap na ulat hanggang sa kasalukuyan.
Kaugnay nito, inilabas ng WesCom ang isang satellite image kung saan naka-plot ang mga na-monitor na lokasyon ng mga fishing vessels ng Pilipinas sa bisinidad ng pag-asa island mula Enero 1, 2018 hanggang Marso 5, 2019.
Dito’y makikita na may ilang fishing vessels malapit sa mga sandbar na nasa kanluran ng Pag-asa island, pero karamihan ay nasa palibot lang ng pulo.
Ayon pa sa WesCom, patuloy nilang ineenganyo ang mga lokal na mangingisda na ituloy lang ang kanilang aktibidad sa lugar.