Sisiguruhin umano ng bagong upong presidente ng Philippine Olympic Committee (POC) na si Joey Romasanta na wala umanong maaaksayang oras sa pagtitiyak na maisasaayos ang ilang mga gusot kaugnay sa pag-host ng Pilipinas ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Katunayan, sinabi ni Romasanta na inatasan na raw niya si dating POC secretary general Steve Hontiveros na magpatawag ng emergency meeting sa SEA Games Federation Council.
Ito raw ay upang maipabatid sa 10 iba pang member countries ang pinakahuling mga development sa paghahanda ng Pilipinas.
Ayon kay Romasanta, isa sa mga reresolbahin nila ngayon ay kung papaano sila makakabangon sa mga nangyari lalo pa’t nagkaroon ng mismanagement sa preparasyon sa SEA Games dahil sa ilang legal issues.
Isa na rito ang isyu sa Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) Foundation, Inc. na nag-o-operate na walang board approval mula sa POC.
Maliban dito, kinukuwestiyon din ang ilang mga venues na kinuha ng Phisgoc Foundation dahil sa napagpasyaha nitong ilayo ang ilang sports sa main hub sa New Clark City sa Tarlac.
Iniimbestigahan din ang marketing campaign, transportation at volunteer program ng Phisgoc Foundation.
Kaya naman, nangako si Romasanta na aayusin nito ang nasabing mga problema sa lalong madaling panahon.
“We have to regroup and sync everything together not just on the part of the POC, but also on the part of the PSC (Philippine Sports Commission), the SEA Games Federation Council, and our national government,” ani Romasanta.
“Everybody has to be aligned and be on the same page. We have to find a solution in every problem,” dagdag nito.
Ang naturang emergency meeting ay isasagawa pagkatapos ng unang POC general assembly sa Hunyo 25.