Hindi ibababa ng PNP ang kanilang alert level sa kabila ng walang namo-monitor na security threat sa mga COVID-19 convoys lalo na at nalalapit na ang rollout ng mga bakuna sa buong bansa.
Ayon kay PNP Directorate for Operations Maj. Gen. Alfred Corpuz, walang confirmed threats silang natanggap subalit kailangang maging handa ang PNP sa anumang posibleng mangyari.
Aniya, hindi malayong magkaroon ng pananabotahe sa sandaling magsimula na ang vaccination rollout.
Binigyang-diin ni Corpus, mahigpit na tinututukan din ng PNP ang mga lugar na malakas ang presensiya ng mga communist and local terrorist groups.
Wika ng heneral, may nangyari na kasi sa ibang bansa na ‘yong convoy ng vaccines ay sinabotahe kaya ayaw nila na mangyari ito sa bansa.
Binigyang-diin din nito na may mga bagay na kanilang ina-assume bilang paghahanda sa mga gagawing contingencies.
Iniulat din ni Corpus na may posibilidad na i-exploit ng communist terrorist groups ang vaccination program ng gobyerno sa pamamagitan ng kanilang mga propaganda activities at kanilang i-project bilang mga pro-people organization.
Magsasagawa rin ang mga ito ng disinformation para hindi malito ang publiko at mawalan ng tiwala sa gobyerno.
Samantala, in-place na ang security plan ng PNP para sa gagawing rollout ng mga bakuna nationwide.
Ayon kay TDCO Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag ang security template na kanilang gagamitin ay kapareho sa pagbibigay seguridad sa halalan.
Sinabi ni Binag may mga modifications lamang silang ipinatupad para maging angkop sa gagawing inoculation.
Paliwanag naman ni Binag, katuwang nila ang AFP sa pagbibigay seguridad lalo na sa delivery ng mga bakuna hanggang sa maibigay ito sa mga recipient.