Tiniyak ni Bureau of Corrections chief (BuCor) Ronald Dela Rosa na dadaan sa normal na proseso si retired Army Major Gen. Jovito Palparan.
Ito’y matapos sentensiyahan ng korte ng “guilty” sa kasong kidnapping kaugnay sa pagkidnap sa dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006.
Sa panayam kay Dela Rosa sa Kampo Crame, sinabi nito na sa sandaling maipasakamay na ang retiradong heneral sa New Bilibid Prison (NBP), tatanggapin ito sa Reception and Diagnostic Center (RDC) kung saan mananatili si Palparan ng 60 days.
Ayon kay Dela Rosa, ang limang araw ay para sa quarantine period kung saan isasailalim ito sa medical examination para mabatid ang physical and mental state ng dating heneral.
Sinabi ni Dela Rosa, matapos ang 60 araw, ililipat na si Palparan sa kaniyang regular na dormitory sa maximum security compound.
Halo-halo umano ang makakasama ni Palparan na nahaharap sa iba’t ibang kaso na hinatulang makulong ng 20 taon pataas.
Tiniyak naman ni Dela Rosa na walang special treatment na ibibigay ang NBP sa retiradong heneral.
Bukod kay Palparan, kasamang nasentensiyahan ang dalawang co-accused ng heneral sina dating Lt. Col. Felipe Anotado at dating Staff Sgt. Edgardo Osorio at si Rizal Hilario na at-large sa ngayon.