-- Advertisements --

Iginiit ng Malacañang na walang ipapatupad na suspensyon ng klase sa kabila ng banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Tugon ito ng Palasyo makaraang umapela si Japanese Prime Minister Abe Shinzo sa lahat ng mga paaralan sa kanilang bansa na pansamantala munang magsara hanggang Abril upang mapigilan ang pagkalat ng virus.

Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, tuloy pa rin ang mga klase sa eskwelahan maliban na lamang kung makakita ng dahilan si Pangulong Rodrigo Duterte upang ipag-utos ito.

Kung magbigay din aniya ng rekomendasyon ang Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) tungkol dito ay gagawin daw agad ito ng Pangulo.

“Depende lahat ‘yan. ‘Pag nakikita ni Presidenteng nanganganib at may rekomendasyon ang Inter-Agency, gagawin din yun. Sa ngayon wala,” wika ni Panelo sa isang panayam.

Sinabi pa ni Panelo, regular na nagpupulong ang task force at gumagawa ng desisyon base sa rekomendasyon naman ng World Health Organization (WHO).

“Kung ano findings nila, gumagalaw sila kung anuman ang karapat-dapat at ready naman tayo doon kasi ang mga protocols natin, well-place,” anang kalihim.

Nitong nakaraang linggo nang pauwiin ng gobyerno ang nasa 400 Pinoy na tripulante ng MV Diamond Princess na lubhang tinamaan ng virus.

Dinala ang mga ito sa New Clark City sa Capas, Tarlac upang sumailalim sa 14-day quarantine.