Binigyang-linaw ngayon ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang target na specific na grupo ang pagpapatupad ng Martial Law.
Ito’y matapos irekomenda ng AFP kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang umiiral na Batas Militar ngayon sa Mindanao.
Sa panayam kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, layon umano ng kanilang rekomendasyon ay para masiguro na mapapabilis ang pagsupil o pag neutralize sa mga teroristang gupo.
Makakatulong din daw ito sa pag-address sa mga sympathizers na nagbibigay-suporta sa mga ito.
Sa kabilang dako, inihayag pa ni Arevalo na sa kanilang assesement, simula raw nang ipatupad ang Batas Militar sa buong Mindanao ay naging mapayapa dahil wala silang naitalang mga paglabag at pang-aabuso mula sa mga sundalo, puwera na lamang na inakusahan silang lumabag sa human rights at international humanitarian law.
Sinabi ni Arevalo, sakaling palaiwigin pa ng Pangulong Duterte ang Martial Law sa Mindanao, makakaasa ang publiko lalo na ang mga Mindanaoans na mahigpit na obserbahan at rerespetuhin ang karapatang pantao ng bawat indibidwal.
Samantala, sisiguraduhin din ng militar na hindi magtatagumpay ang mga IS-inspired terrorists sa kanilang ginagawang recruitment.
Ayon pa sa opisyal, may mga pro-active action na silang ginawa ukol dito.