-- Advertisements --
land 2

KALIBO, Aklan – Dahil sa walang tigil na pagbuhos ng ulan simula pa noong mga nakaraang araw, nakapagtala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng landslide sa ilang bahagi ng lalawigan ng Aklan.

Ayon kay PDRRMC action man Galo Ibardolasa, agad na nagsasagawa ng clearing operations sa mga nangyaring landslide, kung saan ang pinakahuli ay sa may bahagi ng Sitio Agpalina, Barangay Badiangan, Banga, Aklan.

Nagpadala umano ng mga heavy equipment sa lugar mula sa kaukulang ahensiya ng pamahalaan kasama ang mga responders mula sa MDRRMC, kapulisan at mga volunteers.

Pinayuhan nito ang lahat ng mga mamamayan gayundin ang mga biyahero na mag-ingat lalo na sa mga lugar na itinuturing na high risk areas.

Maliban sa baha, ang palagiang pag-ulan aniya ay nagdudulot rin ng landslides dahil sa paglambot ng lupa.

Samantala, sinabi ni Generosa Raval, nasira ang halos 50 puno ng kanilang tanim na niyog at iba pang produktong pang-agrikultura dahil sa pagguho ng lupa, at masuwerteng walang nakatira sa ibabang bahagi nito.