-- Advertisements --

Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na walang naitalang “untoward incidents” sa pagbubukas ng unang araw ng klase ngayong June 3.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, mahigit 149,000 pulis at force multipliers ang kanilang idineploy sa buong bansa para sa seguridad ng mga mag-aaral na nagbalik eskwela ngayong araw.

Ayon kay Albayalde, wala siyang natanggap na report na may mga hindi kanais-nais na mga insidente na naitala sa unang araw ng klase.

Ilang safety tips din ang una nang inilabas ng PNP para makaiwas na mabiktima ng krimen ang mga studyante.

Tips ng PNP para sa mga magulang, ipaalam sa mga guro o guwardya ng paaralan kung sino ang susundo sa anak.

Ihabilin din aniya sa mga anak na huwag lalabas ng paaralan hangga’t walang sundo at huwag makikipag-usap sa mga hindi kilala.

Huwag pasuotin ng alahas ang mga anak o magdala ng mamahaling gadgets.

Para naman sa mga estudyante, ipaalam sa mga magulang kung may ibang pupuntahan sa labas ng eskuwelahan, gayundin kung sino ang kasama at paraan para makontak ang mga ito.

Kung nagko-commute pauwi, kunin ang plaka ng sasakyan at ipaalam sa mga magulang.

Maging alerto sa paglalakad, at iwasan ang mga madidilim o alanganing lugar.