Tiniyak ni Bureau of Corrections director general Gerald Bantag na walang VIP treatment na matatanggap ang mga miyembro ng pamilya Ampatuan at iba pang hinatulan sa Maguindanao massacre ngayong nasa loob na sila ng pasilidad ng New Bilibid Prison (NBP).
Alas-2:20 ng hapon nang dumating sa NBP ang bus na sinakyan at naghatid sa hinatulang guilty convicts.
Kabilang na nga diyan ang magkapatid na sina Zaldy at Andal “Unsay” Ampatuan Jr.
Bagamat tumanggi si Bantag na sabihin kung saang gusali sa loob ng Maximum Bilibid pagsisilbihan ng mga convict ang kanilang sintensya, tiniyak nito na mahigpit nila itong babantayan.
Hindi rin daw magkakaroon ng hiwalay o ispesyal na selda para sa mga Ampatuan dahil ihahalo raw sila sa mga regular na inmate.
Una ng sinabi ng opisyal na regular booking procedure ang dadaanan ng mga hinatulan, na katulad din sa ibang person deprived of liberty.
Mula sa Camp Bagong Diwa, Taguig City naging mahigpit ang seguridad sa paghahatid sa Maguindanao massacre criminals. Katunayan may mga helicopter pa na umantabay sa himpapawid.
Pagdating naman sa Bilibid, maging ang mga miyembro ng media ay hinigpitan sa pag-aantay pero binigyan naman ng designated location para sa mga nagco-cover.
Samantala, nilinaw ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na manipis ang tsansang makalaya ngayong gabi ang ilang acquitted o inabsuweltong akusado.
Ayon kay BJMP spokesperson Xavier Solda, depende kung tatanggapin ng mga night court ang procedure na dapat pang daananan ng mga akusadong hindi guilty.
Sa ngayon hindi muna nagpapaunlak ng bisita ang NBP sa kaanak ng mga nakakulong dito, pati na ang delivery ng supplies ay pansamantala munang sinuspinde.
Ilang kalsada rin sa loob at paligid ng Bilibid ang sinara kasunod ng pagdating dito ng mga hinatulang guilty sa Maguindanao massacre.