-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na walang “white wash” sa nagpapatuloy na imbestigasyon kaugnay sa pagpatay sa 17-anyos na Grade 11 student na si Kian Delos Santos sa Oplan Galugad ng Caloocan-PNP.

Ayon kay PNP spokesperson C/Supt. Dionardo Carlos, sa sandaling mapatunayan na may pananagutan ang tatlong pulis na sina PO3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda, at PO1 Jerwin Cruz ay mananagot ang mga ito sa batas.

Kasalukuyang isinailalim na sa restrictive custody ang tatlong pulis habang gumugulong ang imbestigasyon.

Ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang siyang inatasang mag-imbestiga sa criminal aspect habang ang administrative case ay hawak ng PNP-Internal Affairs Service.

Sang-ayon din ang PNP sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapag mapatunayang may kasalanan ang tatlong pulis ay mananagot ang mga ito.

Sinabi ni Carlos na consistent naman ang mga pahayag ng pangulo na suportado nito ang mga pulis kapag ginagawa ang kanilang trabaho ngunit kung aabuso ang mga ito sa kanilang kapangyarihan ay tiyak na mananagot ang mga ito.

Sa kabilang dako ayon naman kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Director Oscar Albyalde na tama naman ang kanilang ginawang pag-relieve sa puwesto sa tatlong pulis.

Tiniyak ni Albayalde na kanilang ilalabas sa publiko ang resulta ng imbestigasyon.

Welcome Rin sa NCRPO ang sinumang makakapagbigay pa ng impormasyon kaugnay sa kaso ni Kian upang mabigyang linaw ang insidente.