ILOILO CITY – Pinabulaanan ng otoridad na mayroong “whitewash” sa imbestigasyon sa nangyaring pagkasagasa-patay ng isang sports car sa mag-asawang school principal at guro sa Sen. Benigno Aquino Jr. Avenue, Mandurriao, Iloilo City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay P/SSgt. Rey Amihan, imbestigador ng Mandurriao Police Station, sinabi nito na kaagad na nakapagpiyansa ang driver ng sports car na si June Paul Valencia dahil bailable o may pyansa ang kaso at naipaliwanag na rin ito sa pamilya ng mga biktimang sina Alnie Dinah at Joe Marie Osano.
Maliban dito, inihayag rin ni Amihan na maraming dokumento ang kailangan bago makapagsampa ng kaso ang pamilya ng mga biktima.
Ilan lamang sa mga dokumento na kakailanganin ay ang death certificate, autopsy report at mga dokumentong may kaugnayan sa aksidente.
Samantala, nagpahayag naman si Iloilo City Police Office (ICPO) Director Police Col. Martin Defensor Jr., na tumawag sa kanya ang abogado ng mga biktima hinggil sa agarang pagpyansa ng driver na si Valencia.
Ayon kay Defensor, kaagad niyang ipinag-utos kay P/Maj. Marlon Valencia, hepe ng Mandurriao Police Station, na ihanda na ang mga kakailanganing dokumento upang kaagad na maisampa ang kaso laban sa driver ng MX5 sports car.