LA UNION – Kagaya nang iba na may magandang hangarin sa pagdo-donate ng dugo, isa din si Joe Camarao na nakaramdam ng kasiyahan matapos mapabilang sa mga successful blood donor sa isinagawang Dugong Bombo 2019 sa La Union noong araw ng Sabado, Nobyembre 16.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Camarao, nabanggit nito na simula noong may humingi sa kanya ng tulong na maging blood donor para sa isang taong nangangailangan at kanyang pinagbigyan, napagtanto nito na napakagaan ang pakiramdam na nakatulong ka para maisalba ang buhay ng isang tao na nasa bingit ng kamatayan.
Bagamat ito na ang pangatlong beses na makapag-ambag ng dugo, ito naman ang unang-una na nag-donate ng dugo sa La Union.
Si Camarao na nasa tamang edad, isang ‘walis tambo weaver,’ ay taga Barangay Dagup, Bagulin, La Union kung kayat malayo ang nilakbay nito bago makarating sa venue ng Dugong Bombo sa La Union.
Mula sa kanilang bahay sa kabundukan, sinabi ni Camarao na nilakad nito ang 5 kilometro hanggang sa paradahan ng jeep papuntang syudad ng San Fernando na isang oras naman ang biyahe.
Nakarating sa venue pasado alas-10:00 ng umaga ngunit alas-4:00 na ng hapon ng makuhanan ng dugo, dahil sa napakahabang pila ng mga nais maging blood donor.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa Bombo Radyo La Union, inabot ang blood letting project nang hanggang pasado alas 6:00 ng gabi sa dami ng mga blood donors.
Nakaipon ang Bombo Radyo La Union ng 103,500 cc na dugo mula sa 230 successful blood donors sa isinagawang DB 2019 sa DMMMSU Mid La Union Campus.