CENTRAL MINDANAO-Matapos ang vaccination holiday na ipinatupad noong February 1-7, 2022 ay muling magsasagawa ang City Health Office o CHO ng walk-in vaccination at Barangay to the Vaxx o barangay vaccination.
Ito ang sinabi ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa ginanap na Inter Agency task Force for Covid-19 o IATF meeting ngayong araw kung saan sinabi nitong balik na ang vaccination matapos ang isang linggong break o pahinga ng mga vaccinators.
Kabilang naman ang mga sumusunod na barangay na magsasagawa ng vaccination: Amazion (300 vaccinees – Feb. 8, 2022), Birada (300 vaccinees – Feb. 9), Luvimin (300 vaccinees – Feb 10), Manongol (300 vaccinees – Feb. 11), at Linangcob (300 vaccinees – Feb 12).
Magbabakuna rin ang CHO ng 1st dose, 2nd dose at booster shots sa nabanggit na mga araw.
Ayon kay Mayor Evangelista, bahagi ito ng mga hakbang upang tuluyang makamit ang 70% herd immunity ng Kidapawan City na abot naman sa 110,500 eligible population at sa hangaring maprotektahan ang mas malaking bilang ng mga Kidapaweno laban sa Covid-19.
Sa report ng City Epidemiology and Surveillance Unit o CESU ngayong araw ay nakapagtala ang tanggapan ng 289 confirmed cases ng Covid-19 kung saan abot sa 194 ang mild at asymptomatic cases (home quarantine) at 95 ang moderate (temporary treatment facilities).
Samantala, pinaghahandaan na ng City Government of Kidapawan ang vaccination ng Pediatric Group 5-11 years old sa susunod na lingo kung saan natapos na ang master listing ng mga batang tatanggap ng bakuna.
Ito ay bahagi na rin ng paghahanda ng City Government sa pagbubukas ng karagdagang limited face-to-face classes sa oras na bumalik sa Alert Level 2 ang Kidapawan City at buong Lalawigan ng Cotabato.
Sakaling maisagawa na ang pagbabakuna ng 5-11 years old ay magiging partner uli ng CHO sa vaccination ang mga nangungunang private hospitals sa Kidapawan City. (Bombo Garry Fuerzas)