-- Advertisements --

Buhay pa ang pag-asa ng Washington Wizards na ma-extend ang serye matapos na maitabla ang Game 4 sa 2-2 nang magawang maidispatsa nila ang No. 1 team sa Eastern Conference na Toronto Raptors, 106-98.

Naitala nang Wizards ang come-from-behind win matapos na makabangon sila mula sa 14 points lead ng Raptors sa second half.

Muntikan pang madiskaril ang diskarte ng Washington nang ma-foul out si Bradley Beal samantalang meron pang limang minuto ang nalalabi sa game.

Todo protesta si Beal sa ginawang pagtawag sa kanya ng referee bagay na nirendahan siya ng mga kasama.

Sa pagkakataong ito umeksena na si John Wall upang isalba ang team.

Una rito tabla sa 92 ang magkaribal na koponan nang matawagan ng kanyang ika-anim na foul si Beal makaraang magbanggaan sila ni DeMar DeRozan habang hawak ng Toronto star ang bola.

Nang mawala si Beal siya ang leading player ng Wizard na may kabuang 31 points.

Swerte namang kumagat ang mga tirada ng kanyang backcourt teammate na si Wall na malaki ang tulong sa puntos at assists sa huling 14 points ng team.

Nagtapos si Wall sa 27 points at 14 assists liban pa sa naging abala siya ng husto sa ginawang bantay sarado na pagdepensa sa All-Star na si DeMar DeRozan.

Nasayang ang 35 big points ni DeRozan habang si Kyle Lowry ay nagpakita sa 19 points.

Sa ngayon ang best of seven series ay nauwi na lamang sa best of three kung saan ang Game 5 ay gagawin sa teritoryo ng Toronto sa Huwebes.