Sinuspinde ng Office of the Ombudsman ang walong board members ng lalawigan ng Antique dahil sa kawalan nito ng aksyon sa P1-B budget ng kapitolyo.
Kabilang sa mga sinuspinde ng anim na buwan ay sina Board Members Egidio Elio, Rony Molina, Victor Condez, Alfie Jay Niquia, Plaridel Sanchez IV, Mayella, at Plameras Ladislao.
Kasama rin sa hatol sina ex-officio members Julius Cezar Tajanlangit ng Liga ng mga Barangay at Kenneth Dave Gasalao ng Sangguniang Kabataan.
Sa resolusyon na inilabas ni Ombudsman Samuel Reyes Martires, sinabi nito na may sapat at matibay na ebidensiya na nagpapakita ng guilty sa mga paratang laban sa kanila.
Ito ay para sa grave misconduct, oppression, at gross neglect in performance of duty.
Inihain ang mga reklamong administratibo laban sa kanila dahil sa umano’y sadyang hindi pagkilos sa unang supplemental budget na iminungkahi ni Gov. Rhodora “Dodod” Cadiao.
Ang bahagi ng badyet ay inilaan sana para sa mga proyekto ng solar energy ng walong provincial hospital pati na rin ang pag-install ng mga solar-powered street lights at home solar system.