Walong tauhan ng Eastern Police District ang sinibak sa pwesto dahil sa pagkakasa nito ng unauthorized police operation sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City.
Sangkot rin umano ang mga ito sa pangingikil ng pera sa dalawang Chinese nationals na kanilang naaresto kasabay ng isinagawang operasyon.
Ito ang kinumpirma ni EPD director Brig. Gen. Villamor Tuliao ngayong araw.
Ayon kay Tuliao, ang ikinasang operasyon nito na paghahain ng arrest warrant laban sa Chinese national sa lungsod ay isinagawa ng walang approval mula sa Eastern Police District .
Bukod pa dito ay hindi rin ito nai coordinate ng maayos sa iba pang law enforcement agencies.
Lumabag rin ang mga pulis sa hindi pagsusuot ng body cameras sa pagsisilbi ng warrant.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, lumabas na humingi ang mga sinibak na pulis ng P12 million sa mga Chinese nationals kapalit ng kanilang kalayaan.
Sa ngayon , nasa ilalim na ng restrictive custody ang walong pulis at mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.