-- Advertisements --

Nahaharap sa banta ng pagbaha ang walong rehiyon sa Pilipinas dahil sa epekto ng bagyong Ofel.

Batay sa inilabas na General Flood Warning ngayong araw, kinabibilangan ito ng CAR( Cordillera Administrative Region), Region 1 (Ilocos Region), Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon), Region 4A (CALABARZON), Region 4B (MIMAROPA), Region 5 (Bicol Region), at Region 8 (Eastern Visayas).

Ang mga ito ay inaasahang makakaranas ng mabibigat na pag-ulan dala ng naturang bagyo, daan upang umapaw ang mga kailugan at iba pang bahagi ng katubigan.

Sa CAR, apektado ang anim na probinsya nito na kinabibilangan ng Benguet, Mountain Province, Apayao, Ifugao, Kalinga, at Abra.

Sa Ilocos Region, apektado ang Ilocos Norte at Sur, Pangasinan, at La Union.

Sa Region 2, kabilang dito ang Isabela, Quirino, Cagayan, Nueva Vizcaya, at Batanes.

Sa Region 3, apektado ang mga probinsya ng Aurora, Bataan, at Zambales.

Sa Region 4-A, inaasahang mararanasan ito ng Quezon, Rizal, Laguna, Cavite, at Batangas.

Sa Region 4-B, uulanin din ang mga probinsya ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, at Romblon.

Sa Bicol Region: Camarines Sur, Albay, Catanduanes, Camarines Norte, Sorsogon, at Masbate.

Habang sa Region 8, maaapektuhan naman ang Northern at Eastern Samar, Biliran, Samar, Leyte, at Southern Leyte.