-- Advertisements --

BOHOL – Patay ang isang itinuturing na high value drug suspect ng pulisya matapos umanong manlaban sa ginawang raid sa bahay nito sa Tubigon, Bohol.

Kinilala ang nasawing suspect na si Richie Banquil, 31, na sinasabing bigtime drug supplier.

Ayon kay police Cpl. Eric Ramos ng Tubigon Municipal Police, magsisilbi lang sana ng arrest warrant ang Regional Special Operations Group sa bahay ni Banquil dahil matagal na raw itong nasa ilalim ng kanilang surveillance.

Pero nang makatunog daw ang suspect na aarestuhin sya ng mga pulis ay agad itong nagpaputok sa mga opisyal.

Gumanti naman ang pulisya ng baril hanggang mapuruhan si Banquil.

Nakuha mula rito ang isang kilong pinaghihinalaang shabu na may halagang P6.8-milyon, halos 200 tableta ng pinaniniwalaang ecstasy at dalawang armas.

Batay sa ulat, may bodega sa mismong bahay si Banquil kung saan itinatago raw nito ang supply ng shabu na sinasabing galing pa ng Cebu.

Bagamat nasawi ang target ng operasyon, arestado naman ang kapatid nito na si Christina, 33, na sasampahan ng kaso.