Arestado ang isang wanted na dayuhang Vietnamese matapos mahuli ng Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa isang pahayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, kinilala ang naturang dayuhan na si Nguyen Hu Mai, may edad na 48.
Nahuli umano si Nguyen Hu Mai sa airport nang ito’y magtangkang tumakas palipad mula sa Terminal 3 ng NAIA patungo sanang Saigon ng bansang Vietnam.
Kasalukuyang may kinaharap na kaso ang dayuhang Vietnamese na rape at kidnapping sa isang babaeng Chinese, dalawang taon ang nakalipas.
Base sa mga ibinahagi pa ni Commissioner Viado, si Nguyen ay agad na dinala sa immigration supervisor upang isagawa ang ikalawang inspeksyon dahil sa lumabas ang pangalan nito sa kanilang database bilang ‘positive hit’.
Sa ngayon ay nai-turn over naman na ang wanted na dayuhan sa detention facility ng Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Ayon naman kay Bureau of Immigration Border Control and Intelligence Unit (BI-BCIU) Chief Ferdinand Tendenilla, nasa wanted list na nila ito simula pa noong Marso 10.
Kasama raw nito ang dalawa pang Chinese nationals na humaharap sa deportation dahil sa pagiging undesirable aliens nang maging suspeK sa kasong kidnapping at rape.
Kaya naman matapos ang pagkakaaresto at pagkakadetana, sinabi ni BI-BCIU Chief Tendenilla na mananatili pa muna ang mga ito sa kustodiya ng Bureau of Immigration hangga’t hindi nareresolba ang kaso sa korte.