KORONADAL CITY – Arestado nang pinagsanib na puwersa ng Tantangan Municipal police station at south Cotabato Police Mobile Force company ang isang magsasaka na wanted person matapos umanong makakuha ng cash assistance sa Social Amelioration Program ng DSWD sa may bahagi ng Brgy. Bukaypait, Tantangan, South Cotabto.
Kinilala ang suspek kay Rocky Bakal Dondi, 49, may asawa, magsasaka at residente ng Prk. Bagong Silang sa nasabing bayan.
Inaresto ito ng mga otoridad sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Felix S. Mesa ng Regional Trial Court Branch 26, Surallah, South Cotabato noong Hunyo 25, 2018 sa kasong attempted murder at may bail bond na P120,000.
Nanguna sa pag-aresto kay Dondi ang pulis na nagkunwaring staff ng DSWD na namimigay ng cash aid sa mga mamamayan na apektado ng enhanced community quarantine.
Inaresto man ng mga pulis, ibinigay pa rin ng DSWD ang P5,000 na ayuda mula sa social amelioration program.
Sa ngayon, nasa custodial facility na ng Tantangan PNP ang nasabing suspek.