Naaresto ng pinagsanib na pwersa ng CIDG-ATCU kasama ang Bureau of Immigration, Fugitive Search Unit ang isang South Korean na wanted sa inilunsad na operasyon kahapon sa Alabang, Muntinlupa City.
Kinilala ni CIDG director, CSupt. Roel Obusan ang naarestong suspek na si Oh Seung Jo, 51-anyos at isang South Korean national.
Ang pagkaka-aresto kay Sheung ay batay sa Interpol Red notice at Bureau of Immigration arrest order.
Si Sheung ay sangkot sa investment scheme na nakapanloko ng kapwa niya Koreano sa halagang P3 billion.
Nang maging wanted ay nagtungo ito sa Pilipinas gamit ang ilang pangalan at ipinagpatuloy ang kaniyang iligal na aktibidad.
Nakatakdang i-turn over ng CIDG sa Bureau of Immigration (BI) si Sheung para sa pagpapa-deport sa kaniya pabalik sa South Korea.