(Update) BACOLOD CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga umano’y miyembro ng New People’s Army sa Himamaylan City, Negros Occidental na nahuli ng mga pulis at mga sundalo sa pamamagitan ng paghain ng warrant of arrest.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 62nd Infantry Batallion commander Lt. Col. Egberto Dacoscos, pito na ang mga NPA members na nahuli simula nitong Miyerkules hanggang Huwebes ng umaga.
Huling naaresto ay si Jasper Aguyong ng Barangay Buenavista, Himamaylan City.
Kahapon, sinilbihan ng warrant of arrest sina Rodrigo Medes, secretary ng local party branch ng Central Negros Command; at ang mga miyembro ng militia unit na sina Jimmy Teves, Judito Montecino, JP Romano, Eliseo Andres, at Roger Sabanal, pawang mga residente ng Barangay Buenavista.
Ayon kay Dacoscos, two counts of murder at 6 counts of frustrated murder ang hinaharap ng mga arestado.
Ito ay kaugnay sa engkwentro sa Kabankalan City noong May 2018 kung saan dalawang sundalo ang namatay at anim ang sugatan.
Sa kabuuan, 27 miyembro ng NPA ang kinasuhan at 20 pa ang at-large sa ngayon.
Ang paghain ng warrant of arrest ay joint operations ng 62nd IB at 2nd Negros Occidental Mobile Force Company.