-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Boluntaryong sumuko ang suspek sa kasong pang-gagahasa kay Brig. Gen. Gilberto DC Cruz, regional director ng Police Regional Office (PRO-13).

Ayon kay Cruz, isang Pedro Mandawe, 41, self-employed at residente ng Luningning St., Caceres Subdivision, Barangay San Isidro, General Santos City, ang umamin na ginahasa ang kaniyang 14-anyos na pamangkin, Grade 7 pupil, noong Hulyo 21, Linggo, sa kaniyang pamamahay.

Ang suspek na si Mandawe, sinamahan ng kaniyang kapatid na babae, humarap kay BGEN Cruz upang isuko ang sarili at haharapin ang kasong isinampa laban sa kaniya.

Nai-turn-over nina Lt. Col. Christian L Rafols II, chief ng Regional Public Information-13 at S/Sgt Christopher Neil Sagusay, Admin PNCO si Mandawe sa General Santos Police Station 4 na nasa Nuñez St., Barangay San Isidro, General Santos City, para sa tamang disposisyon.

Sa tulong ng kaniyang abogado na si Atty Psyche Rizavi Mamadra, ginawa ng suspek ang extra-judicial confession upang maging pormal ang kaniyang salaysay.

Ayon sa General Santos Police Station 4, kasong rape in relation to Republic Act 7610 (Anti-Child Abuse Law) ang isinampa laban sa suspek.