Arestado ang isang ‘most wanted person’ sa Region 4-B o MIMAROPA na may 63 counts umano ng rape.
Nahuli ang suspek sa Iloilo, matapos ang siyam na taong pagtatago sa batas.
Kinilala ni PSupt. Socrates Faltado, tagapagsalita MIMAROPA, ang suspek na si Arcel Molino, 44-anyos, naninirahan noon sa Bataraza, Palawan at kasalukuyang naninirahan ngayon sa Barangay Tambaliza, Concepcion, Iloilo.
Naaresto si Molino nitong March 21 ng pinagsamang puwersa ng Police Regional Office 6 – Regional Intelligence Unit, Police Regional Office of MIMAROPA, Criminal Investigation and Detection Group Region 6, at Platoon Provincial Mobile Force Company.
Ayon kay Faltado, 2010 ng lumabas ang warrant of arrest laban sa suspek na inilabas ng Regional Trial Court Branch 47 Puerto Princesa City, Palawan matapos magreklamo ng rape ang isang 16-taong gulang na batang babae.
Matapos lumabas ang warrant of arrest, agad na tumakas ang suspek patungong Cuyo, Palawan at tumawid ng Iloilo sakay ng bangka at doon nagtago.
Dinala na si Molino sa Palawan para iharap sa Regional Trial Court Branch 47.
Ayon kay Faltado si Molino ang Number One Most Wanted Person sa buong rehiyon dahil sa dami ng bilang ng kaniyang kaso.