Nagkalat ang ‘Wanted’ posters ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque sa Kalayaan Plaza, Barangay Central, Quezon City ngayong araw ng Biyernes.
Ang mga naturang posters ay ipinaskil ng mga miyembro ng Akbayan Party youth members at ipinamigay sa mga residente, tricycle drivers at mga tindera sa lugar.
Nakalagay sa naturang poster ang mga katagang “WANTED, Harry Roque POGO lawyer”.
Kasabay nito, nanawagan ang grupo kay Roque na sumuko na at harapin ang arrest order laban sa kaniya ng House Quad Committee dahil sa pagtanggi nitong magsumite ng mga dokumentong hinihingi ng komite kaugnay sa paglobo ng kaniyang yaman kabilang ang kaniyang SALN at iba pa.
Sinabi naman ni Akbayan Youth secretary general Khylla Meneses na hindi lamang ang Kamara ang tumutugis sa kaniya kundi maging ang taumbayan na rin. Ang naging papel at kaugnayan umano ni Roque sa industriya ng POGO ay malinaw at lantaran.
Hinimok rin ng partido ang publiko na tumulong sa mga awtoridad para matunton na si Roque.
Matatandaan na nitong linggo lamang ay ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang pagbuo ng tracker teams para isilbi ang arrest warrant laban kay Roque.