Na-deport na sa Pilipinas ang negosyanteng wanted sa kasong murder na si Alan Dennis Sytin.
Si Sytin ang itinuturing na utak sa pagpatay sa kaniyang kapatid na si Dominic Sytin, ang presidente at chief executive officer ng United Auctioneers Inc. noong 2018 sa isang hotel sa Subic Bay Metropolitan Authority sa Olongapo city sa Zambales.
Dumating si Alan sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay city dakong alas-11:20 ng gabi nitong Biyernes, Abril 11 kung saan siya sinilbihan ng arrest warrant ng Police Regional Office-3 (PRO-3).
Inisyu ang naturang warrant ng Manila RTC Branch 7 noong Setyembre 1, 2020 para sa kasong murder kung saan walang inirekomenda ang korte na piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Tinanggap at in-eskortan naman si Sytin ni Philippine National Police (PNP) spokesperson at PRO-3 Director Police Brig. General Jean Fajardo kasama ang NAIA-Aviation Security Group at San Fernando city Police Station. Sa ngayon, nasa full custody na ng PNP si Alan Sytin.
Ayon kay Fajardo, sumasalamin ang misyong ito sa hindi natitinag na paninindigan ng PNP na maihatid sa hustisiya ang mga kriminal saan man lugar sila tumakas. Nagpapakita rin aniya ang pagtutulungan ng Royal Malaysia Police at ng diplomatic representatives ng PH sa Malaysia na walang pugante ang makakatakas sa law enforcement kapag nagkaisa ang mga bansa laban sa krimen.
Matatandaan na nakulong si Sytin sa Malaysia matapos maaresto noong Marso 22, 2025 ng Special Investigation Branch ng Petaling Jaya District Police sa Cobra Rugby Club sa Selangor dahil sa kabiguang makapagpresenta ng valid travel document bilang paglabag sa Immigration Act ng Malaysia. Kinansela din ang kaniyang Philippine passport noong Setyembre 12, 2024 at inisyuhan ng Interpol Red Notice noong Enero 24, 2020.