-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Narekober ng kasundaluhan ang armas at iba pang mga gamit panggiyera matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng 30th Infantry (Fight On) Battalion, Philippine Army at ng New People’s Army (NPA) sa bukiring bahagi ng Brgy Motorpool, sa bayan ng Tubod, Surigao del Norte nitong nakalipas na araw.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Lt. Benjamin de Dios, ang Civil Military Operations (CMO) officer ng 30th IB, na nakatangga ang kasundaluhan ng sumbong mula sa mga sibilyan kaugnay sa presensya ng armadong grupo na umano’y nangingikil at nananakot sa komunidad.

Mga miyembro umano ng pinag-isang Sandatahang Yunit Pangpropaganda (SYP) 16C1 at 16C2, Guerilla Front (GF) 16 North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC) ang na-engkwentro ng tropa ng gobyerno sa pangunguna nina Alberto Castañeda alyas JD at Roel Neniel alyas Jacob.

Kaagad itong nirespondihan ng 30th IB at nang magsagawa ng security patrol ay pinapuktukan kaagad sila ng armadong grupo kungsaan kaagad namang nag-retaliate ang kasundaluhan sanhi ng 15-minutong engkwentro.

Matapos ang bakbakan ay nakuha ng militar ang isang AK47 Rifle, 11 mga magazines na may lamang mga bala, 182 mga bala ng AK47 at 376 na mga bala naman ng M16, isang rifle grenade, limang 40mm live rounds, dalawang sets ng IEDs na may kasama pang mga blasting caps, anim na backpack na may mga personal na gamit, ang dokumento, mga pagkain at medisina.

Sa ngayo’y patuloy pang hinahabol ng kanilang tropa ang tumakas na mga rebelde kasabay ng pagbibigay ng seguridad sa mga komunidad upang hindi na muli pang makapaghasik ng lagim ang mga rebeldeng NPA.