Umabot na sa 51 mga miyembro ng New Peoples Army (NPA) ang sumuko sa pamahalaan habang 17 ang naaresto, simula ng ilunsad ng militar ang all out war laban sa rebeldeng grupo tatlong linggo na ang nakakalipas.
Ayon kay AFP spokesperson Marine Col. Edgard Arevalo na marami pang mga rebeldeng NPA ang inaasahang susuko sa darating na mga araw lalo na at patuloy sila sa pagtanggap ng surrender fillers.
“While we are preparing for the eventual laying down of arms by these NPA members, their surrenders are without conditions apart from the program afforded by Government to rebel returnees,” pahayag ni Arevalo.
Noong February 23 nasa 10 NPA ang sumuko sa militar.
Dalawa pang rebelde ang sumuko nuong February 24 kabilang ang 19 anyos na si Allan Mating na boluntaryong sumuko sa 25th Infantry Battalion sa Compostella Valley habang si Arjay Bangue ay sumuko kasama ang kaniyang M16 rifle sa 73rd Infantry Battalion sa Davao Occidental.
Nasa 36 kabuuang small unit operations ang inilunsad ng AFP laban sa NPA na naging dahilan sa pagka-aresto sa 17 miyembro ng rebeldeng grupo kabilang sa inaresto ang top NPA leader na si Ernesto Samarita sa nasugbu, Batangas.
Ang grupo ni Samarita ay sangkot sa ibat ibang atrosidad at large scale extortions sa Pico de Loro, Batangas.
Kinumpirma ni Arevalo na nasa 37 High-Powered at Low-Powered firearms ang narekober ng militar mula sa NPA.
Nasa 14 na mga rebeldeng NPA ang nasawi sa enkwentro.
Sa panig naman ng gobyerno, pitong sundalo ang nasawi habang 30 ang sugatan.