-- Advertisements --

ILOILO CITY – Nakiisa rin ang mga war veterans at mga survivors nila sa Western Visayas sa ika-81 taong anibersaryo ng Araw ng Kagitingan.

Isinagawa ang programa sa Balantang Memorial Cemetery National Shrine sa Jaro, Iloilo City kung saan dinaluhan ito ng mga magigiting na beterano na lumaban sa mga Hapon noong World War II.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Ma. Lydia Guzman Callano, anak ni Private First Class Hesus Regoso Guzman na may edad na ngayon na 95 taong gulang, sinabi nito na 12 na taong gulang pa lang ang kanyang ama ng sumali sa ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Anya, nagsinungaling ang kanyang ama dati at sinabi na 14 na taong gulang na ito upang makapa-enlist sa Reserve Officers’ Training Corps Hunters na isang recognized guerilla group.

Naging espiya anya ng gobyerno ang kanyang ama sa dalawang Japanese garrisons sa Maynila.

Muntik na anyang mapatay ang kanyang ama noon matapos pinagbintangan na sinabotahe ang radio room ng Japanese garrison ngunit hindi natuloy.

Sa ngayon anya, nasa Maynila ang kanyang ama at may sakit na dementia.