Personal na binisita ngayong araw ng mga kawani ng Bureau of Customs,DA- Bureau of Plant Industry at Navotas LGU ang isang warehouse sa lungsod na sinalakay kamakailan at nadiskubre ang milyong-milyong halaga ng smuggled vegetables.
Kasama sa nagsagawa ng inspeksyon si Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr.
Ang naturang mga agri products na ipinuslit ay sinasabing nagmula sa bansang China na may kabuuang dami na 300 metriko tonelada.
Kabilang sa mga gulay na ito ay white onions at imported carrots, kamatis, enoki mushrooms, mga pasta,at bottled pickled salad.
Sa naging pahayag ni DA Sec. Tiu-Laurel, ideneklara umano ng may-ari sa kanilang import permit bilang egg tart at kimchi.
Tinatayang aabot sa mahigit ₱30-milyon ang halaga ng sinasabing smuggled o ipinuslit na mga gulay.
Ayon sa Navotas LGU, walang business permit at building permit ang warehouse na ito kung saan ay may sariling cold storage facility.
Bilang tugon dito ay awtomatikong blacklisted na ang consignee ng naturang mga ipinuslit na produktong gulay.
Giit ni Laurel, ang ganitong uri ng mga produkto ay maaaring maging mapanganib sa kalusugan ng kokonsumo nito dahil sa kawalan ng kaukulang dokumento.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng BOC upang mahanap ang consignee ng naturang mga produkto.