Hindi pabor si Pangulong Rodrigo Duterte na i-legalize ang rice smuggling sa bansa.
Ito’y kasunod sa nangyaring rice crisis sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa departure speech ng Pangulo sa NAIA Terminal 2 sinabi nito na malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Giit pa ng Pangulo kapag na legalize ang rice smuggling lalo lamang nitong palalakasin ang smuggling activities sa bansa.
“No, of course not. It will be destructive for the economy.It will promote disorder in this country,” pahayag pa ng Pangulong Duterte.
Tiniyak ng Presidente na hindi niya hahayaan na magugutom ang mga kababayan.
Binantaan naman nito ang mga nagho-hoard ng mga bigas na kaniyang ipapatupad ang bigat ng batas sa mga pasaway na negosyante.
Kasunod nito, ipinag-utos na ni Duterte sa PNP at AFP na magsagawa ng raid sa mga warehouses ng mga negosyanteng nagtatago ng bigas.
“Do not force me to resort to emergency measures. I will not allow Filipinos to grow hungry. Kung may nakita akong hoarder, I will not hesitate to exercise the power of president and ask the PNP and the AFP to raid your warehouses,” ani chief executive.
Hinggil naman sa panawagan ng ilang congressman na dapat na mag-resign si Sec. Manny Pinol sa Department of Agriculture hindi na ito pinatulan ng Pangulo pero lahat aniya ng mga opisyal nararapat na sundin ang mga batas.
“All officials are bound by laws,” giit ni Duterte.
Bago mag-alas-3:00 ng hapon nang magbigay si Pangulong Duterte ng kaniyang departure speech para sa kaniyang official visit sa bansang Israel at Jordan.
Si Duterte ang kauna-unahang sitting president ng Pilipinas na bumisita sa naturang Middle Eastern countries.
“The agenda is promising. As I seek a new relations with a country and people with the common aspirations. Certainly I look forward to discussing on advancing the cooperation in the areas improving defense and security,” mensahe pa ng Pangulong Duterte.