Natanggap na ng Philippine National Police (PNP) ang kopya ng warrant of arrest laban sa siyam na pulis na nasa likod sa pagpatay sa apat na Army intelligence officers sa Jolo, Sulu nuong nakaraang taon.
Ayon kay PNP spokesperson B/Gen. Ildibrandi Usana, katatanggap lang ng PNP ng kopya kaninang tanghali.
Sinabi ni Usana agad na ipatutupad ng PNP ang nasabing kautusan ng korte.
Ang warrant of arrest laban sa siyam na respondents na mga dating pulis ay inilabas ni acting Presiding Judge Alsad Alfad Jr., ng Regional Trial Court 9th Judicial Region Branch 3 ng Jolo, Sulu.
Kabilang sa pinaaaresto na ngayon ng korte ay sina Abdelzhimar Padjiri, Hanie Baddiri, Iskandar Susulan, Ernisar Sappal, Almudzrin Hadjaruddin, Sulki Andaki, Alkajal Mandangan, Rajiv Putala at Mohammad Nur Pasani.
Sa ngayon balik na sa kanilang pamilya ang mga nasabing pulis matapos, masibak sa serbisyo.
Ikinatuwa naman ng AFP ang paglabas ng korte ng warrant of arrest.
Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo ang pag isyu ng warrant ng walang inirekumendang piyansa indikasyon na nakita ng korte na malakas ang ebidensiya laban sa mga suspek.
Kapwa nanawagan ang PNP at AFP sa siyam na mga dating pulis na sumuko na lamang sa otoridad.