-- Advertisements --

Pinagtibay ng Parañaque City Regional Trial Court (RTC) ang warrant of arrest na inisyu kamakailan laban sa Japanese gaming tycoon na si Kazuo Okada at kasosyo nitong si Takahiro Usui.

Salig sa desisyon ni Judge Rolando G. How ng Parañaque RTC Branch 257 na may petsang Mayo 6,2019, nakasaad na denied o hindi pinagbigyan ang mosyon nina Okada at Usui na ipawalang-bisa ang arrest warrants laban sa kanila may kaugnayan sa paglustay sa 3.1 million dollar na pondo ng Okada Manila Resort Hotel.

Ayon sa hukuman, walang merito para isantabi ang mandamiyento de aresto dahil sapat naman ang basehan ng asunto laban sa dalawa.

Dahil dito, patuloy na magkakabisa ang arrest warrant kay Okada at Usui.

Una nang nagdesisyon ang Department of Justice (DOJ) noong nakaraang buwan ng Disyembre na dapat litisin sina Okada at Usui ng tatlong bilang ng estafa.

Ito’y batay sa reklamo na inihain ng Tiger Resort Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI), ang nag-mamay-ari at operator ng Okada Manila, ang pinakamalaking casino-hotel integrated resort sa bansa.

Inakusahan sina Okada at Usui ng maling paggamit sa pondo ng kumpanya habang nanunungkulan pa si Okada bilang chairman at chief executive officer (CEO) ng TRLEI, habang si Usui naman ang chief operating officer.

Tinaggal sila sa TRLEI noong June 2017.