-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Lumawak pa ang paghahanap ng law enforcement agencies laban sa mga pangunahing akusado na nasa likod pagpa-ambush patay ng kilalang urologist at nagsilbing hospital medical director na nakabase sa Cagayan de Oro City.

Kinompirma sa Bombo Radyo ni City Police Director Colonel Aaron Mandia na lumabas na ang warrant of arrest mula sa korte na humawak sa kasong murder na kanilang isinampa laban sa mga salarin na tumambang-patay kay Xavier University-Maria Reyna Hospital medical director Dr Raul Winston Andutan na naganap noong Disyembre 2021.

Sinabi ni Mandia na nakasaad sa inilabas na warrant of arrest ang dalawang pangunahing akusado na hindi muna pinangalanan sa harap ng publiko upang mapabilis ang pagtunton ng tracker team ng PNP sa lokasyon ng mga ito para tuluyang maaresto.

Magugunitang unang tinukoy ng mga imbestigador na mayroong isang babae na kanilang tinutugis na dating nakalaban ng biktima sa usaping pera at umaabot pa ang kanilang pagkakasuhan sa Court of Appeals na maaring maiugnay sa pangyayari.

Bagamat hindi kailanman pinangalanan ng pulisya subalit kabilang ang anggulo na ito na kanilang pinagbuhusan ng oras sa imbestigasyon.

Magugunitang tanging pangalan ng dating army reserved na si Rene Tortusa ang lumalabas na umano’y nag-utos sa arestadong tatlong suspected gun for hire killers na isa sa mga tinutugis rin ng mga otoridad ukol sa Andutan killing noong Disyembre 2,2021.